Resigned PNP chief Alan Purisima, hindi kakampihan ni Pang. Aquino sa Mamasapano incident

by monaliza | March 13, 2015 (Friday) | 1968

PURISIMABOI 031315

Naniniwala ang Malakanyang na mas mabubuo na ngayon ang detalye ng pangyayari sa January 25 Mamasapano clash matapos ilabas ang resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry ng Philippine National Police.

Sinabi ng Malakanyang na hihintayin nila ang magiging rekomendasyon ng BOI kaugnay ng Mamasapano clash.

Ipinaliwanag rin ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na anuman ang magiging aksyon ng Department of Justice partikular na sa posibleng pagsasampa ng kaso sa mga may sala sa insidente ay hindi naman kinakailangang palaging dumaan sa review ni Pangulong Benigno Aquino III.

Sinuportahan naman ni Valte ang inihayag ni DILG secretary Mar Roxas na walang liability si Pangulong Aquino sa Oplan Exodus sa Mamasapano kung saan nasawi ang SAF44.

Sinabi rin ng Malakanyang na kung sakali ngang may pagkakasala si resigned PNP chief Gen. Alan Purisima sa  pangyayari ay hindi ito kakampihan ng administrasyon kahit na ito ay kilalang kaibigan ni Pangulong Aquino.

Dumipensa rin ang Malakanyang sa usapin kung bakit  mas nababanggit ng pangulo sa mga nakaraang talumpati si dating PNP-SAF director Getulio Napenas kaysa kay Purisima sa posibleng may sala sa Mamasapano clash.