Lunes ng hapon ng isumite ni Tourism Secretary Wanda Teo ang kaniyang resignation letter kay Executive Secretary Salvador Medialdea bago magsimula ang cabinet meeting sa Malacañang.
Kinumpirma naman ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw sa pwesto ni Teo.
Ayon sa abogado ni Teo, delicadeza ang nagtulak sa kalihim upang magbitiw sa pwesto sa gitna ng kinakaharap nitong kontrobersiya at hindi ito ipinag-utos sa kaniya ng pangulo.
Subalit nanindigan si Teo na hindi niya alam na sa programa ng kaniyang mga kapatid sa PTV 4 napunta ang 60 million peso tourism ad placement.
Ayon naman sa ibang mambabatas, hindi dapat matapos sa resignation ni Teo ang kontrobersya at hindi rin dapat maire-appoint ang mga nasangkot sa isyu ng katiwalian.
Inanunsyo naman ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na sisimulan na nila ang imbestigasyon hinggil sa kontrobersyal na tourism ad.
Kahapon naman sa kaniyang talumpati sa oath-taking ng mga newly promoted generals at flag officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Malacañang, hiniling ni Pangulong Duterte sa mga ito na tulungan siyang resolbahin ang graft and corruption sa bansa.
Nabanggit niya rin ang hinggil sa mga tinanggal niya na mga opisyal ng pamahalaan.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )