Reserbang kuryente ng Luzon, 4 na araw ng manipis dahil sa pagbagsak ng ilang power plants

by Radyo La Verdad | April 4, 2019 (Thursday) | 7011

METRO MANILA, Philippines – Nasa alanganin ang reserbang kuryente ng Luzon simula pa noong Lunes. Ibig sabihin, manipis o kakaunti ang reserbang kuryente na maaaring magdulot ng brownout. Kaya naman apat na araw nang isinasailalim sa yellow alert ang buong Luzon grid.

Ngayong araw, 920 megawatts na kuryente ang nawala sa Luzon grid dahil sa pagpalya ng ilang power plants.

Bagsak ang Pagbilao 3 na nagsusupply ng 420mw, ang SLTEC na may 150mw, ang Malaya 2 na may 350mw at apat pa na mga planta sa Luzon.

Bukod sa mga unplanned outages mataas rin ang demand ng kuryente sa Luzon dahil sa mainit na panahon.

Ala una hanggang alas kwatro ng hapon itinaas ang yellow alert dahil ito ang mga oras kung saan mataas ang konsumo ng kuryente ng mga consumer.

Nagbabadya rin tumaas ang singil sa kuryente sa susunod na buwan dahil sa ilang araw na yellow alert.

Ayon sa Meralco may epekto sa binabayarang bill ng mga consumer kapag numinipis ang supply dulot ng mga unplanned outages.

Nanawagan naman ang isang consumer group sa doe na itigil na ang gag order hinggil sa pag aanunsyo ng yellow alert sa publiko.

Ayon sa grupo, may karapatan ang mga consumer na malaman kung ano ang nangyayari upang makapaghanda ang mga ito sakaling mawalan ng kuryente Ayon naman sa DOE nagpatupad sila ng gag order sa pagaanunsyo ng yellow alert upang huwag itong makaapekto sa pagtaas ng kuryente sa merkado.

Samantala, magiikot naman ang Meralco at DOE sa mga establisyementong malakas komunsumo ng kuryente upang paalalahanan ang mga ito na magtipid upang makatulong na mapalaki ang reserba ng kuryente sa Luzon.

Inihahanda naman ng Meralco ang interruptible load program sakaling tuluyang bumagsak ang reserbang kuryente ng Luzon.

(Mon Jocson | UNTV News

Tags: , , ,