Research portal na E-Saliksik, inilunsad ng DepEd

by Radyo La Verdad | March 18, 2022 (Friday) | 12343

METRO MANILA – Naglabas ng opisyal na research portal na pinangalanang “E-Saliksik” ang Department of Education (DepEd) nitong Lunes (Marso 14) na magiging central database for research upang isulong ang access sa dekalidad na pananaliksik sa bansa.

Nasa ilalim ng Planning Service-Policy Research and Development Division ang E-Saliksik alinsunod sa DepEd Memorandum No. 11, Series of 2022 sa pakikipagtulungan ng Department of Information and Communications Technology.

Ayon sa pahayag ni DepEd Secretary Leonor Briones sa isang Facebook live, mag-aambag ang nasabing research platform sa pangangalap ng mga dekalidad na datos at magpupunan ng mga mahahalagang impormasyon para sa pagbuo ng mga desisyong nakaukol sa ebidensya.

Binigyang-diin na ang pagbuo ng mga malalaking pasiya ay hindi dapat nakabatay lamang sa hula, damdamin, o intuwisyon dahil nakasalalay rito ang kinabukasan ng mga mag-aaral, buong bansa, mga tuntunin ng pulitika, ekonomiya, at pag-unlad ng lipunan.

Hinihikayat ng E-Saliksik na magiba ang mga hadlang sa research at maisakatuparan para sa mga gawaing pangkomunidad na magbibigay daan sa mga inobasyon na sa huli ay magpapaunlad sa buhay ng mga mag-aaral.

(Andrei Canales| La Verdad Correspondent)

Tags: ,