Mas pinaigting pa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ginagawang Rescue Operation sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Iloilo, Roxas City at Capiz bunsod ng bagyong Agaton.
Ilan sa ginagawang hakbang ng PCG ay ang pagpapadala ng rubber boats at iba pang mga kagamitan na magagamit ng mga residente.
Batay sa ulat ng Leyte Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa kabuuang 16 na Local Government Units (LGU), 16 na munisipalidad at 1 component city ang binaha sa Capiz.
Nauna nang humingi ng tulong ang independent presidential candidate na si Sen. Panfilo “Ping” Lacson kay retired PCG Commandant Vice Admiral Edmund Tan matapos makatanggap ng updates mula sa Iloilo.
Ayon kay Lacson, sinabi ni Tan na ipinaalam na niya kay incumbent Coast Guard Commandant Admiral Artemio Abu na miyembro ng Philippine Military Academy Class 1992, na madaling sumang-ayon at agad na inatasan ang Coast Guard sa lugar na kumilos nang naaayon.
Ang Lacson-Sotto Support Group (LSSG) sa lugar ay nagsimula na rin ng relief operations para matulungan ang mga apektadong residente.
Samantala, si Commodore Ed Ybañez na District Commander ng Coast Guard sa Western Visayas ay nagtalaga ng 7 response group sa patuloy na pag-rescue sa mga apektadong pamilya.
(Zy Cabiles | La Verdad Correspondent)