Financial assistance requirements para sa mga apektado ng Boracay closure, pinagaan ng DOLE

by Radyo La Verdad | August 17, 2018 (Friday) | 3388

Dalawang job contacts at isang training na lamang ang hinihingi ng Department of Labor (DOLE) sa mga displaced workers bilang follow-up requirements upang patuloy na makatanggap ng ayuda mula sa ahensya.

Ayon kay Assistant Regional Director Salome Siaton ng DOLE Region 6, ito ay matapos nagpalabas ng memorandum order si DOLE Secretary Silvestre Bello III na pagaanin ang requirements ng ahensya upang maka-avail ng Boracay Emergency Employment Program Adjustment Measures Program (BEEP AMP).

Mula sa Landbank ay inilipat din ng DOLE sa isang money remittance company ang releasing ng tulong upang mapabilis ito.

Bumagal ang paglalabas ng DOLE ng ayuda matapos na madiskubreng may mga displaced workers na nag-apply ng maraming beses sa iba’t-ibang branch ng DOLE sa rehiyon.

Pinakiusapan naman ni Siaton ang mga displaced at retained workers na maghintay na lamang na kanilang tawag at iwasan na mag-apply ng mahigit sa isang beses upang maiwasan ang duplication na magpapabagal naman sa proseso.

Ang BEEP AMP ng DOLE ay bahagi ng tulong ng pamahalaan sa mga manggagawang may regular na trabaho sa isla.

Kabilang dito ang mga nasa hotels at resorts at mga establisyemento na nawalan ng trabahao, nasuspinde o na-retain ngunit nabawasan ng sweldo dahil sa Boracay closure.

Sinabi rin ng DOLE na kahit ma-late man ang release ng kanilang BEEP AMP ay matatanggap pa rin ng mga retained and displaced workers ng buo ang 4,205 piso kada buwan o nasa 25,000 para sa anim na buwan ng closure period ng Boracay.

 

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,