Report upang bigyang-linaw ang isyu ng umano’y EJK sa bansa, tinatapos na ng PNP

by Radyo La Verdad | October 19, 2017 (Thursday) | 3094

Sa muling pagkakataon, nais linawin ng Philippine National Police ang mga isyu ng umanoy extra judicial killings o EJK sa bansa.

Isang report ang tinatapos ng PNP upang ma-clasify kung ano ang totoong dahilan sa mahigit sampung libong mga pagpatay sa bansa mula July 10, 2016 hanggang September  2017, ito rin ang nais masilip at maimbestigahan ng Commission on Human Rights na hindi naman pinagbigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa PNP, hindi maituturing na EJK ang mga naturang kaso dahil patuloy pang iniimbistigahan ang mga ito.

Kung mapatunayan anila na mayroong mga pulis na sangkot sa pagpatay, mahuhulog ito sa kategorya ng murder at hindi pa rin maituturing na EJK.

Sa ngayon, nasa mahigit anim na libo na ang naresolbang kaso ng mga pagpatay. Ibig sabihin nasa korte na ito at nakasuhan na ang mga suspek.

Sa pamamagitan ng naturang report malalaman ng publiko ang totoong nangyayari sa likod ng operasyon ng pambansang pulisya.

Lahat ng mga kaso ng pagpatay na may kaugnayan sa iligal na droga ay ipapasa naman ng PNP sa Philippine Drug Enforcement Agency.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,