Reporma sa sentensyang reclusion perpetua, isinusulong sa Senado bilang alternatibo sa death penalty

by Radyo La Verdad | December 2, 2016 (Friday) | 1995

joyce_de-lima
Nanindigan si Sen.Leila de Lima na hindi solusyon ang pagbabalik ng death penalty sa krimen sa bansa.

Sa kanyang talumpati sa isang forum sa Institute of Human Rights sa UP College of Law, sinulong ni De Lima ang kahalagahan ng pagkilala sa karapatang mabuhay o right to life at ang pagtutol sa reimposition ng death penalty.

Ayon sa Senador, marami nang pagaaral ang naisagawa na nagpapatunay na hindi epektibong pagsugpo sa krimen ang parusang kamatayan.

Sasalungat din aniya ito sa pakikiisa ng Pilipinas sa International Convention on Criminal and Political Rights sa pagtutol sa death penalty.

Sa halip na ibalik ang parusang kamatayan, tamang parusa at maayos na pagpapalakad ng Correctional System ang nakikitang sagot ni De Lima.

Kaya naman isinusulong ng Senador ang isang panukalang batas na layong pahabain sa limampung taon at tanggalan ng parole ang sintensyang reclusion perpetua na siyang pinakamatinding parusang maaaring ipataw sa mga convicted individual.

Samantala, dumalo rin sa forum si Albay Rep. Edcel Lagman na matagal na ring tumututol sa reimposition ng death penalty.

Sa panig naman ng Senado, sinabi ni De Lima na hindi agad maipapasa ang naturang panukala dahil maraming senador ang hindi pabor sa dito.

Ang pagbabalik ng death penalty ang isa sa mga nais maipatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Administrasyon.

Hindi pa gumugulong ang pagdinig ng senado patungkol dito, habang sa Kamara naman, naipasa na nito lamang martes sa sub-committee ang isang Substitute bill.

Ipinangako naman ni House Speaker Pantaleon Alvarez na maipapasa ito sa mababang kapulungan ng Kongreso bago matapos ang taon.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: ,