METRO MANILA – Inihahanda na ngayon ng Department of Agriculutre (DA) Regional Office ang mga buto ng palay na magsisilbing pamalit sa mga nasirang pananim matapos masalanta ng matinding pagbaha ang Northern Samar.
Ayon kay DA Eastern Visayas Regional Executive Director Andrew Orais, nakikipag-ugnayan na ngayon sa Philippine Rice Research Institute ang kanilang opisina para sa karagdagang replacement stocks kung sakaling kulangin sa buto ang mga magsasakang mabibigyan nito.
Kasabay nito, nagsasagawa na rin aniya sila ng inventory kung iilan ang mga available seeds sa rehiyon.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 2,000 na mga bag ng buto ng palay at 920 na mga bag ng nakarehistrong buto ng palay sa regional office pati na rin 437 na mga bag ng hybrid na buto ng palay, imbentaryo ng mga buto ng mais, mga buto ng iba’t ibang mga gulay, mga cuttings ng kamoteng kahoy, at native na mga manok.
Nitong nakaraang Linggo, aabot sa P104.96-M na ang halaga ng naitalang pinsala sa agrikultura kasunod ng malalaking pagbaha habang 4,571 na mga magsasaka at 2,751 ektaryang sakahan ang naapektuhan kasunod ng mga weather disturbances sa mga probinsya sa Samar.
(Ritz Barredo | La Verdad Correspondent)
Tags: DA, Northern Samar