REPASO 2018: Galing ng Pilipino, namayagpag sa taong 2018

by Jeck Deocampo | December 31, 2018 (Monday) | 12747
 
Pagdating sa sports, pageant at iba’t ibang mga paligsahang idinaos ngayong taong 2018, naging angat sa mundo ang talento at husay ng mga Pilipino. Narito ang ilan sa mga natatangi nating kababayan na nagbigay karangalan sa ating bansa.

SPORTS
Noong March 27, 2018 nang pabagsakin ng national football team na Azkals ang mga manlalaro mula sa Tajikistan sa score na 2-1. Dahilan ito upang makapasok ang Azkals sa 2019 AFC Asian Cup sa unang pagkakataon.

Nagbigay rin ng karangalan sa bansa ang ilang Pinay matapos mag-uwi ng mga gintong medalya sa ginanap na Asian Games 2018 sa Indonesia. Ang kampeon ng weightlifting na si Hidilyn Diaz, ang skateboarder na si Margielyn Didal at ang mga golfer na sina Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go.

Nagpakitang gilas din ang mga pambato ng Pilipinas sa larangan ng boxing. Sa unang pagkakataon sa loob ng siyam na taon ay muling nagwagi via knockout ang pambansang kamao na si Manny Pacquiao at muling hinirang bilang WBA Champion of the World sa welterweight division. Bukod kay Pacquiao ay nagkamit din ng kampeonato ang ilang mga boksingerong world-title holder na sina Nonito Donaire (bantamweight), Jerwin Ancajas (junior bantamweight) at Victor Saludar (minimumweight).

Kasama rin sa mga nagpabilib sa larangan ng sports si Carina Dayondon bilang ikalawang Pinay na narating ang pinakamatataas na bundok sa pitong kontinente. Nag-uwi naman ng bronze medal si Meggie Ochoa sa larong jiu-jitsu at nagwagi sa mga tournament sa London at Sweden. Gayundin si Carlos Yulo, ang unang Pilipino na nagwagi ng medalya sa International Gymnastics Federation World Championships.

Limang gold at dalawang silver medals naman ang iniuwi ng Philippine National Boat Team sa ginanap na International Canoe Federation World Championship nitong Setyembre.

Hindi rin nagpahuli ang mga kababayan nating PWD matapos magwagi ng sampung gold medal, walong silver at labing isang bronze medal sa ginanap na 2018 Asian Para Games. Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng bansa na makapag-uwi ng 29 total medals mula nang sumali sa kompetisyong ito.

PAGEANTS
Namangha ang buong mundo matapos koronahang Ms. Universe 2018 si Catriona Gray sa Bangkok, Thailand. Ito ang ikaapat na korononang nakamit ng bansa sa isa sa pinaka-prestihiyosong pageant sa mundo. Sinasabing pageant powerhouse na ang Pilipinas. Matatandaang mula 2010 ay hindi na nawawala sa top finalists ang kandidatang ipinadadala ng bansa.

Bukod sa Ms. Universe, hindi pahuhuli ang gandang Pilipina sa iba’t-ibang beauty contest. Nagwagi rin ang pambato ng bansa na si Sophia Senoron at kinoronahang Miss Multinational 2018 sa New Delhi, India nitong Pebrero.

Panalo rin ang Muslim Maguindanaoan mula sa Sultan Kudarat na si Sharifa Akeel. Siya ang kasalukuyang title holder ng Miss Asia Pacific International, ang pinakamatandang pageant sa buong Asya na nag-umpisa pa noong 1968. Enero naman nang masungkit ni Katarina Rodriguez ang 1st runner-up sa Miss Intercontinental na ginanap sa Egypt.

ENTERTAINMENT

Hindi lang sa sports at pageant tinitingala ang talentong Pilipino, humakot din ng awards ang ilan nating mga kababayan sa iba’-ibang international film festivals at talent contests.

Labing-isang award ang naiuwi ng mga talentadong filmmaker sa bansa sa ginanap na Manhattan International Fim Festival sa New York City. Nakasungkit din ng award bilang “best actor” si Chito Roño sa ginanap na Hanoi International Film Festival sa Vietnam. Tatlong high school students naman mula sa bansa ang nag-uwi ng grand prize sa idinaos na 2018 Asian International Children’s Film Festival sa Hokkaido, Japan.

Kaliwa’t kanang talent show din sa iba’t-ibang bansa ang nilahukan ng ating mga kababayan na kinabiliban ng ibang mga lahi lalo na ang angking talento ng mga Pinoy sa musika at pag-awit. Ilan sa mga ito ang X Factor UK, Belgium’s Got Talent, America’s Got Talent, Ireland’s Got Talent at ang isa sa pinakasikat na singing show sa China na “Singer 2018” na nilahukan naman ni KZ Tandingan. Ang Pilipinas din ang mayroong pinakamalaking delegasyon sa “World Championships of Performing Arts 2018″.

Maraming bago ngayong 2018 ang masusulat sa kasaysayan. Patunay lamang ito na anumang mga suliranin ang bumabalakid sa mga Pilipino ay hindi naging hadlang ang mga ito upang ipakita sa mundo ang ating husay, galing at talento. 

(John Lester Villegas / Radyo La Verdad Contributor)

Tags: , , , , , , , ,