Dinepensahan ng Department of National Defense (DND) ang ginagawang pagkukumpuni sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Arsenio Andolong, hepe ng public affairs service ng DND, ang pagsasaayos sa naturang barko ay hindi umano paglabag sa tinatahak na diplomatic track sa pagresolba ng territorial dispute sa West Philippine Sea.
Aniya, hindi naman kalakihan ang ginagawang repair sa BRP Sierra Madre at dahil isa itong commissioned naval vessel ng bansa, maaari itong kumpunihin ng Philippine Navy.
Ang BRP Sierra Madre ay inilagay sa Ayungin Shoal noong 1999 bilang isang permanent government installation bilang pagtugon sa illegal occupation ng China sa Panganiban Reef noong 1995.