Relokasyon ng nasa 1,000 pamilya sa Estero de Magdalena sa Maynila, sinimulan na

by Radyo La Verdad | July 4, 2018 (Wednesday) | 3528

Pinangunahan ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) sa pakikipagtulungan ng Local Inter-Agency Committee ng Maynila ang paggiba sa mga bahay ng mga informal settler sa Estero de Magdalena sa Maynila.

Bago gawin ito, nagsagawa ng ilang community dialogue at ocular inspection ang ahensya bilang paghahanda sa gagawing relokasyon. Hindi na nahirapan pa ang demolition team dahil boluntaryo na ring giniba ng mga residente ang kanilang mga bahay.

Pila din ang mga residente para isumite ang mga dokumento sa PRRC upang mabigyan sila ng entry pass. Nasa isang libong pamilya ang mabibigyan ng mga bagong bahay sa Summer Home Trece Martires, Cavite.

Isa na dito ang pamilya ng 37 taong gulang na si Raquel Humadjao. Aniya noong 2002 pa nang manirahan sila sa gilid ng estero. Hindi rin daw naging komportable ang pang araw-araw nilang pamumuhay dito, kaya naman excited na rin silang makalipat.

Ang bawat pamilya ay tatanggap ng labing walong libong piso. May mga livelihood projects din at job fair na gagawin maging ang local government ng trece martires para tulungan ang mga relocated families na makapagsimula ng bagong buhay.

Tiniyak naman ng executive director ng PRRC na mas mapapabuti ang kalagayan ng buhay nila sa Trece Martires.

Nasa labing pitong milyon piso ang pondo para maisaayos at ma-convert ang isang kilometrong estero.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,