Relief operations ng UNTV News foundation sa Cagayan, tuloy tuloy pa rin

by Erika Endraca | November 25, 2020 (Wednesday) | 1093

Buhay na buhay ang espirito ng bayanihan sa Tuguegarao, Cagayan matapos mag abot ng tulong ang UNTV News Foundation sa mga nasalanta ng mga nagdaang bagyo sa bansa.

Bagama’t may panganib sa daan dulot ng matinding putik dala ng bagyo ay nakarating ang grupo sa Barangay Liwan Norte Cagayan upang magbahagi ng mga relief goods.

Ayon kay Barangay Chairman Rodrigo Magbitang, kasama ang kanilang barangay sa hindi agad nabigyan ng relief goods dahil na-isolate ang kanilang lugar dulot ng matinding pagbaha. Inililikas lamang nila ang ilang mga residente gamit ang kalabaw.

Kaya naman masaya sila na napuntahan ng grupo ang kanilang lugar upang magsagawa ng relief operations. Nagpasalamat rin si Cagayan Governor Manuel Mamba sa tulong ng UNTV News Foundation.

“Thank you sa inyong lahat, thank you very much may pagkain na kami. Ang asawa ko bedridden, ako lang ang naghahanap buhay,” ani Nanay Carmelita, isa sa mga nakatanggap ng relief goods.

(Beth Pilares | La Verdad Correspondent)