Relief goods, sapat kahit abutin ng 3 buwan ang pag-aalburoto ng Mt. Mayon – NDRRMC

by Radyo La Verdad | January 24, 2018 (Wednesday) | 6879

Kayang suportahan ng pamahalaan ang mga residenteng apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Albay kahit abutin pa ito ng tatlong buwan.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council Spokesperson Romina Marasigan, nasa pitong bilyong piso ang pondo ng pamahalaan para sa mga apektado ng kalamidad.

Sa kasalukuyan ay umaabot na sa mahigit P26 million pesos ang halaga ng tulong na naipamigay ng pamahalaan sa mahigit pitong libong pamilya na nananatili sa 29 na evacuation centers sa Albay.

Ayon kay Marasigan, nagpatupad na rin ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan sa mga nakatira sa 9 kilometer radius ng bulkan.

Sinabi din ni Marasigan na hindi mapagbibigyan ng pamahalaan ang hiling ni Albay Gov. Al Francis Bichara na pera na ang ibigay na tulong sa mga apektadong residente sa halip na food at non-food items.

Bukod naman aniya sa walong lugar na direktang apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon ay nakaranas rin ng ash fall ang Iriga sa Camarines Sur.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,