Rekomendasyong isailalim sa State of Calamity ang buong Luzon, inaprubahan ni Pres. Duterte

by Erika Endraca | November 18, 2020 (Wednesday) | 800
Photo Courtesy: Presidential Communications

METRO MANILA – Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang naghayag sa kaniyang weekly public address kagabi (Nov. 17) na pinirmahan na niya ang proklamasyon na nagdedeklara ng State of Calamity sa mga apektado ng nagdaang bagyo.

Matatandaang nirekomenda ng NDRRMC sa Punong Ehekutibo na isailalim sa State of Calamity ang buong Luzon dahil sa tindi ng pinsalang tinamo sa nakalipas na malalakas na bagyo.

“Mukhang napirmahan ko na ata. Last night i think i signed the proclamation.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pinakahuling ulat ng NDRRMC, pumalo na sa P2.715-B ang halaga ng pinsala sa agrikultura at P5.25-B sa imprastraktura ang iniwang ng bagyong Ulysses.

Bukod pa ito sa bilyon-bilyong pisong halaga ng iniwang pinsala ng mga bagyong Quinta at Rolly.

Sa ilalim ng State of Calamity Proclamation, magagamit ng national government, gayundin ang mga lokal na pamahalaan ang mga karampatang pondo upang tugunan ang epekto ng mga kalamidad.

Samantala, nais naman ni pangulong duterte na magkaroon ng mas matitibay na evacuation centers sa bansa. Ito ay matapos mapaulat ang ilang evacuation centers na napinsala ng bagyo.

Umapela rin ito sa Kongreso para mapondohan ang construction ng mas matatatag na pansamantalang matutuluyan ng mga inililikas na residente sa panahon ng kalamidad o sakuna.

“Yun sana ang tugunan ng congress, Bong, kasi pagkaganitong deluge, they tend to go to places for shelter and relief . We build a strong structure stronger than a typhoon that would come their way para mapuntahan ng mga tao. Maybe small rooms with many comfort rooms where people can really stay for a while. “ani Pangulong Rodrigo Duterte.

73 ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Ulysses samantalang 25 naman ang binawian ng buhay dahil sa bagyong Rolly- ang pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa ngayong taon.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,