Suportado ng Malacañang ang rekomendasyon ng economic managers na ituloy ang dagdag na buwis sa langis sa taong 2019.
Ito ay sa kabila ng kinakailangan munang aprubahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte at inaasahang mas matatalakay maigi sa isasagawang cabinet meeting bukas.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sapat ang kakayahan ng mga economic manager na ipaliwanag sa Kongreso ang dahilan kung bakit binawi nila ang panukalang suspindihin ang ikalawang bugso ng dagdag-buwis sa langis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Una nang napaulat na nagpahayag ng pagkabahala ang mga mambabatas ukol dito.
Ayon kay Senador Sonny Angara, bago magdesisyon sa pagtaas ng dagdag buwis, kailangang makatiyak na bababa nga ang inflation o pagtaas ng antas ng presyo ng mga bilihin at buo nang natatanggap ng mga pinaka-apektadong mga Pilipino ang ayuda mula sa pamahalaan.
Ayon naman kay Panelo, ibabatay ni Pangulong Duterte ang kaniyang desisyon sa batas bukod sa rekomendasyon ng kaniyang mga economic manager.
Batay sa probisyon ng TRAIN law, kung aabot ng 80 dollars per barrel o higit pa ang presyo ng Dubai Crude oil sa loob ng tatlong buwang sunod-sunod, sususpindihin ng pamahalaan ang nakatakdang susunod na ipapataw na buwis sa fuel.
Subalit noong nakalipas na linggo, nagdesisyon ang mga economic managers ng Duterte administration na irekomenda sa punong ehekutibo na ituloy na ang dagdag na dalawang pisong buwis kada litro ng langis at gasolina dahil sa pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at inaasahang pagbaba pa nito sa mga susunod na buwan.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: cabinet meeting, LANGIS, TRAIN