Rekomendasyon na ibaba sa Alert Level 1 ang Metro Manila, suportado ng mga health expert

by Radyo La Verdad | February 24, 2022 (Thursday) | 7658

METRO MANILA – Nagkasundo ang 17 alkalde ng Metro Manila na ilagay na sa pinakamaluwag na restrictions ang National Capital Region bunsod ng patuloy na pagbaba ng kaso at hawaan ng COVID-19.

Ayon sa Metro Manila Council, 16 na lungsod sa NCR ang nasa low-risk classification na lamang habang isa ang nasa moderate risk.

Bukod pa rito, bumagsak na rin sa 4.64% na lamang ang positivity rate sa NCR na pasok na sa less than 5% na sukatan ng World Health Organization para masabing bumaba na ang mga kaso at kontrolado na ang hawaan ng virus.

Suportado naman ng Infectious Disease Expert na si Doctor Rontgene Solante ang rekomendasyon na luwagan na sa Alert Level 1 ang Metro Manila sa susunod na buwan.

Para kay Doctor Solante, handa na ang Metro Manila para dito.

Gayunman kinakailangan pa rin aniya ang palaging pasunod sa mga health protocol.

Samantala itinanggi naman ng Metro Manila Council na may kaugnayan sa nalalapit na eleksyon ang kanilang rekomendasyon na luwagan sa Alert Level 1 ang Metro Manila.

Paliwanag ng MMDA may mga datos na pinabatayan ang mga mayor at wala itong kinalaman sa politika.

Batay sa calendar of activities ng Comelec, naka-schedule ang campaign period para sa local positions sa darating na March 25.

Samantala, sinabi rin ng Metro Manila Council na wala silang na-obserbahan na pagtaas ng COVID-19 sa nakalipas na 2 linggo simula nang umpisahan ang pangangampanya ng mga kandidato para sa national position.

(Lucille Lloren | UNTV News)

Tags: ,