Reklamong isinumite sa ICC vs. China,‘di makaaapekto sa relasyon ng PH at China – Pang. Duterte

by Radyo La Verdad | March 23, 2019 (Saturday) | 13654

MALACAÑANG, Philippines – Tila ‘di pinansin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isinumiteng reklamo sa International Criminal Court ng mga dating opisyal ng pamahalaan na sina former Foreign Affairs Secretary Alberto del Rosario at former Ombudsman Conchita Carpio-Morales laban kay Chinese President Xi Jinping.

Batay sa reklamo na isinumite kay ICC Prosecutor Fatou Bensouda noong March 15, dalawang araw bago opisyal na tumiwalag ang Pilipinas sa ICC, may plano umano ang China na kontrolin ang South China Sea at maituturing itong crimes against humanity.

Kabilang na dito ang agresibong pagtatayo ng mga artificial islands sa South China sea na nagdulot ng matinding environmental damage.

Ayon naman sa Punong Ehekutibo, karapatan ng mga complainant ito bilang mga Pilipino subalit iginiit na wala namang hurisdisyon ang ICC sa Pilipinas gayundin sa China.

“They are Filipino citizens and I think we’ll just also have to defend our position vis-à-vis sa kanila. They think they have a good case and I would say that there is no jurisdiction over this country and of China.” ani Pangulong Duterte.

Naniniwala naman si Pangulong Duterte na ‘di maapektuhan ng reklamo ang kasalukuyang ugnayan ng dalawang bansa.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , , ,