Reklamo vs Lapeña, patunay na walang pinalalampas ang Duterte administration sa usapin ng katiwalian – Malacañang

by Radyo La Verdad | November 13, 2018 (Tuesday) | 4652

Seryoso ang Duterte administration sa kampanya nito laban sa katiwalian ayon sa Malacañang.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, patunay nito ang pagsasampa ng graft and corruption complaint ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) laban kay dating Customs commissioner at ngayon ay TESDA Director General Isidro Lapeña.

Nag-ugat ang reklamo umano’y anomalya sa paglalabas ng isandaan at limang containers ng ceramic tiles na nagkakahalaga ng P69 milyon mula Tsina noong Marso 2018.

Bukod sa reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, sinampahan din si Lapeña ng gross neglect of duty at grave misconduct.

Gayunman, binigyang-diin ng Malacañang na may karapatan din si Lapeña na ipalagay na inosente sa mga akusasyon laban sa kaniya liban na lamang kung mapatunayan sa korte.

Subalit sa ngayo’y patuloy pa rin aniya siyang pinagkakatiwalaan ni Pangulong Duterte.

 

Tags: , ,