Patok pa rin ngayon ang online shopping lalo na’t limitado ang galaw ng publiko dahil sa nararanasang pandemya.
Mula sa mga inoorder na pagkain sa mga restaurants, grocery items, damit, halaman at iba pa, halos lahat mabibili na online.
Habang dumarami ang tumatangkilik sa online service na ito, dumari rin ang mga nakikitang problema at reklamo.
May kaso rin na naitala ang DTI na sa halip na inorder na laptop, bato ang dumating sa consumer.
Sa isinagawang committee hearing ng committee on trade and industry sa Kamara, umabot na sa halos 15,000 ang reklamo sa mga online sellers.
1,543 rito ay naresolba na, 1,312 naman ang na dismiss at mahigit 8,000 ang nai-endorse na sa ibang ahensya tulad ng Department of Agriculture at DOH.
Aminado ang DTI na isa sa mahirap resolbahin ay ang mga reklamo sa mga online sellers sa facebook.
“Because the sellers in facebook are individuals who simply create their facebook pages in the marketplace area of facebook and sell. Most of them are not registered.” ani DTI Usec. Ruth Castelo.
Dahil dito, pinag-aaralan na ngayon ng mga kongresista kung papaano aamyendahan ang consumer act at maipasa rin ang internet transaction act upang maprotektahan ang mga consumers sa online transactions.
Sa mga biktima ng online sellers o na-scam, maaari kayong magpadala ng reklamo sa website ng dTI sa dti.gov .ph.
(Vincent Arboleda | UNTV News)
Tags: DTI