Lagpas 1,200 na ang kumpirmadong nasawi matapos tumama ang 7.5 magnitude na lindol at sinundan ng tsunami sa Sulawesi Island sa Indonesia. Higit walong daan naman ang nasugatan ng malubha.
Nanawagan na ng reinforcement si Indonesian President Joko Widodo upang hanapin ang mga survivor sa mga lubhang naapektuhang lugar.
Pinangangambahang tataas pa ang bilang dahil ang mga namatay ay mula sa Palu, isang maliit na siyudad at 1,500 kilometers ang layo sa Northern Jakarta.
Maraming remote areas pa rin ang hindi maabot ng mga otoridad dahil sa paralisadong komunikasyon at transportasyon.
Maraming hotels at shopping hotels ang gumuho sa Palu matapos manalasa ang nasa 20-talampakang tsunami.
Sa isang lugar, nasa 1,700 mga bahay ang nilamon ng putik at daan-daang mga residente ang pinangangambahang natabunan ayon sa National Disaster Agency.
Nagtalaga naman ang Indonesian Government ng sampung relocation site sa Palu upang magsilbing pansamanatalang matutuluyan ng mga residenteng nawalan ng bahay.
Tiniyak ng pamahalaan na may sapat na suplay ng pagkain sa mga naturang lugar.
Samantala, nagpahayag naman ng kahandaan ang Duterte administration na magbigay ng ayuda sa bansang Indonesia dahil sa nangyaring kalamidad.
( Salvie Alvarez / UNTV Correspondent )