Rehabilitation efforts sa mga nasalanta ng bagyo, pagtutuunan ng gobyerno sa huling 6 na buwan sa pwesto ni Pres. Duterte

by Radyo La Verdad | December 23, 2021 (Thursday) | 12754

METRO MANILA – Hindi tiyak ng Malacañang kung matatapos ng gobyerno ang recovery at rehabilitation efforts sa mga lugar na lubhang nasalanta ng bagyong Odette bago bumaba sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte sa June 2022.

Gayunman, ayon kay Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, gagawin ng pamahalaan ang makakaya nito upang mapabilis ang pagbangon sa kalamidad ng mga kababayan.

“So, kung ano iyong puwede naming simulan, anong puwede nating tapusin given the extent of the damage, given all of the recovery and rehabilitation effort that we need to put in place, begin, start and complete within six months, kung anong makakayanan natin ay gagawin po natin ang lahat ng kaya nating gawin.” ani Acting Presidential Spokesperson/ Cabinet Secretary Sec. Karlo Nograles.

Araw ng Martes (December 21) nang pirmahan ni Pangulong Duterte ang national declaration ng State of Calamity sa Regions 4b, 6, 7, 8, 10 at 13.

Hanggang sa kasalukuyan, tinataya pa rin ng pamahalaan ang kabuuang halaga ng pinsalang tinamo ng bansa mula sa bagyo.

“But we are facing this challenge plus the challenge of totally eradicating COVID-19 plus the threats of other variants, at the end of the day kailangan po nating lahat magtulungan dito. Hindi puwede na nakaatang lamang sa balikat ng iilan or ng pamahalaan lamang, but at the end of the day once we turn this over to the next administration eh marami na po kaming nasimulan, may mga natapos na, may mga nagawa na at sana ay ipagpatuloy lamang ng susunod na administration ang lahat ng mga ito.” ani Acting Presidential Spokesperson/ Cabinet Secretary Sec. Karlo Nograles.

Sa pamamagitan ng National Declaration ng State of Calamity, mapapabilis ang rescue, relief, at rehabilitation efforts ng pamahalaan at pribadong sektor gayundin ang international humanitarian assistance.

Makokontrol din ang presyo ng mga pangunahing bilihin at pangangailangan.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,