Rehabilitasyon sa mga napinsala ng bagyong Urduja sa Biliran province, tuloy-tuloy

by Radyo La Verdad | December 25, 2017 (Monday) | 4127

Tuloy-tuloy ang isinasagawang clearing operations ng Department of Public Works and Highways sa mga kalsadang natabunan ng lupa upang unti-unti na itong madaanan ng mga sasakayan palabas at papasok ng lalawigan. Gayundin sa mga electrical facilities na napinsala ng sama ng panahon.

Ayon sa BILECO, 95-percent na naibalik na suplay ng kuryente sa lalawigan. Sa isang daan labing pitong barangay ng probinsya anim na lamang dito ang hindi napapailawan ng Biliran Electric Cooperative dahil sa dami ng napinsalang mga poste at kawad ng kuryente.

Nagbigay naman ng babala ang Provincial Health Office sa publiko na mag-ingat dahil natagpuang kontaminado sa E. coli bacteria ang tubig ng probinsya. Pinapayuhan ang mga residente na pakuluan muna ng maigi ang tubig na iinumin o di kaya lagyan ng waterine upang maiwasan ang pagtatae at pagsusuka.

Pinayuhan din ang mga residenting maglinis ng kapaligiran upang maiwasan ang mga lamok na carrier ng sakit na dengue maging ng chikungunya.

Samantala, nagbigay na ng financial assistance ang lokal na pamahalaan ng Biliran province sa mga pamilyang namatayan dahil sa pagguho ng lupa at pagbaha bunsod ng bagyong Urduja noong nakaraang Sabado.

Ang mga pamilyang nakapagsumite na ng mga kaukulang dokumento at na-validate ng Biliran-PDRRMO ay nakatanggap ng tig sampung libong piso at isang sakong bigas mula sa provincial government ng Biliran.

Sa ngayon, umabot na ang bilang ng nasawi sa apatnapu’t dalawa habang labing apat pa ang pinaghahanap ng mga otoridad.

 

( Jenelyn Gaquit / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,