Pag-uusapan ngayong araw ng buong Pambansang Komisyon ng mga Kabataan ang kanilang maibabahagi sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga sa bansa.
Ipinahayag ni Undersecretary Cariza “Aiza” Seguerra, bagong Chairperson ng National Youth Commission o NYC na tututukan ng ahensya ang pagbibigay rehabilitasyon sa mga kabataang sangkot sa iligal na droga.
Sinabi rin ni Seguerra na nais niyang agarang mabisita ang mga kabataan sa lahat ng rehiyon upang makita nang personal ang kalagayan ng mga ito.
Direktiba sa kanya ni Pangulong Duterte na tumulong sa pag-aalis ng marginalization sa grupo ng kabataan sa bansa kaya’t layon ni seguerra na mabigyan ng boses ang lahat ng kabataan maging ang mga katutubo at miyembro ng LGBT.
Kanina opisyal nang naupo si Seguerra bilang bagong Chairperson ng Komisyon matapos ang kanyang oath-taking sa NYC Central Office sa Quezon City.
Kahapon naman nanumpa ang singer-actress sa mass oath-taking ng mga bagong appointee ni Pangulong Duterte sa Malacañang.
(Yoshiko Sata / UNTV Correspondent)
Tags: NYC Chairperson Aiza Seguerra, Rehabilitasyon sa mga kabataang nasasangkot sa iligal na droga