Pinagpaplanuhan na ng Department of Education ang gagawing pagsasaayos ng mga paaralan sa Marawi City. Kasabay ito ng pagkakadeklarang ligtas na ang syudad mula sa mga terorista.
Sa tala ng DepEd, mahigit 27, 000 ang mga estudyanteng nakatala sa limampu’t syam na paaralan sa Marawi City. Karamihan sa mga ito ay lumipat na sa mga paaralan sa iba’t-ibang kalapit syudad at lalawigan.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, posibleng umabot sa bilyong piso ang kinakailangan upang maipaayos ang mga nasirang paaralan.
Nais ng kagawaran na magrequest sa national government ng dagdag na pondo para mailaan sa rehabilitasyon ng mga paaralan ngunit posibleng matagalan pa umano ito.
Kaya naman sa isang business forum sa Maynila kahapon, humingi ng tulong si Briones sa private sector para sa rehabilitasyon ng mga paaralan sa pamamagitan ng adopt-a-school program ng pamahalaan.
Ilang grupo naman mula sa pribadong sektor ang nangakong tutulong sa nasabing proyekto.
( Abi Sta. Inez / UNTV Correspondent )
Tags: Marawi City, paaralan, Rehabilitasyon