Rehabilitasyon ng ground zero ng Marawi siege, uumpisahan

by Radyo La Verdad | October 31, 2018 (Wednesday) | 10149

Mas nakikita na ngayon ng marami sa mga mamamayan ng Marawi City na muling maibalik sa dati ang kanilang pamumuhay. Ito ay matapos ang groundbreaking cermony para sa pagsisimula ng rehabilitasyon ng ground zero ng Marawi City na isinagawa sa Barangay Dansalan kahapon.

Ayon sa ilang residente, nakahanda silang maghintay ng ilan pang panahon bastat masilayan ang tuluyang pagbangon ng Marawi.

Pinangunahan ang groundbreaking ni Task Force Bangon Marawi Chairperson Sec. Eduardo del Rosario.

Aniya, posibleng abutin ng tatlong taon ang rehabilitasyon dahil ang debri clearing operation pa lamang aniya ay aabutin na ng isa’t kalahing taon.

Ayon sa kalihim, walang dapat ipag-alala ang mga residente dahil mas napatubi na Marawi City ang kanilang masisilayan pagkatapos nito, kagaya ng nais ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala sa isang statement, ipinaliwanag ni Presidential Spokesperson at Legal Counsel Salvador Panelo kung bakit hindi nakarating si Pangulong Duterte sa groundbreaking.

Ayon sa kalihim, bagaman nais ng Pangulo na saksihan ang aniya’y makasaysayang okasyon, may dinaluhan ito na isa ring mahalagang pagtitipon.

Ipinahayag nito ang pagbati ng Pangulo sa Task Force Bangon Marawi dahil sa pagbuo ng komprehensibong rehabilitasyon ang recovery program sa tulong ng mga Muslim leader.

Nasa walumpung bilyong piso ang halaga ng pondo sa rehabilitasyon ng Marawi.

Labing-anim hanggang 17 bilyong piso dito ay tinatayang magagamit sa pagsasaayos ng ground zero.

 

( Weng Fernandez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,