Rehabilitasyon ng ekta-ektaryang niyugan sa Masbate na napinsala ng bagyong Nona, aabutin pa ng 2 taon

by Radyo La Verdad | January 7, 2016 (Thursday) | 6625

GERRY_NIYUGAN
Tinatayang dalawang taon pa ang aabutin bago tuluyang makarekober ang mga taniman ng niyog sa dalawang munisipalidad sa Masbate na napinsala ng nakaraang pananalasa ng bagyong Nona.

Ang mga taniman ng niyog sa bayan ng Claveria sa Isla Ng Burias at Monreal sa Isla Ng Ticao ang lubhang naapektuhan ng bagyong Nona.

Mono crop o pangunahing tanim ang niyog sa bayan ng Claveria at bayan ng Monreal.

Hindi pa matiyak ng Philippine Coconut Authority kung gaano kalawak ng taniman ng niyog sa bayan ng Monreal at Claveria ang napinsala.

Ngunit ayon kay PCA Administrator Jerry Bacolod malaki ang magiging epekto sa produksiyon ng kopra ng probinsya.

Dalawampung hanggang tatlumpung porsyento katumbas ng dalawampung libong metriko tonelada ng total production ang posibleng ibagsak sa aanihing kopra sa taong 2016 sa buong lalawigan.

Pumapangalawa ang Masbate sa Camarines Sur sa may pinakamataas na produksiyon ng kopra sa buong Rehiyon ng Bikol na umaabot mahigit isandaang libong metriko tonelada.

Ayon pa sa PCA ang mga puno ng niyog na totally damage at hindi na maaaring mamunga ay pwede ng gawing lumber upang mapakinabangan.

Sa ngayon ay nagsasagawa pa rin ng assesment at pagkalap ng datos ang PCA sa mga apektadong lugar.

Magbibigay naman ng mahigit tatlong libong abono ang ahensya sa mga magsasakang naapektuhan ng kalamidad.

Paalala ng PCA sa mga magsasaka na lagyan agad ng abono ang puno ng niyog na pwede pang makarekober.

Isang participatory Coconut Planting Program ang kanilang ipapatupad kung saan binabayaran ang bawat magsasaka ng apatnapung piso sa bawat seedlings ng niyog na maitatanim.

(Gerry Galicia / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,