Regulasyon sa pagpapataw ng pamasahe sa mga TNVs gaya ng Uber, nais rebisahin ng LTFRB

by Radyo La Verdad | January 4, 2017 (Wednesday) | 1007

joan_lizada
Sa ilalim ng Department Order 2015 Series 11 ng transportation department, ang mga Transport Network Company gaya ng Uber, Grab at Uhop ang may kapangyarihan na mag-regulate ng ipinapataw na pamasahe sa mga pasaherong sumasakay dito.

Kamakailan, ilang reklamo hinggil sa labis na paniningil ng pamasahe sa mga pasahero ng TNVs ang natatanggap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Paliwanag ng tnvs, ito ay dahil sa ipinatutupad na price surge, na kadalasang dumidepende sa lokasyon ng mga pasahero.

Dahil dito, nais ng LTFRB na rebisahin ang naturang department order upang maprotektahan ang mga pasaherong sumasakay dito.

Samantala,nilinaw naman ng samahan ng mga driver ng tnvs na Philippine Transport Network Organization na walang katotohanan ang umano’y bantang tigil-pasada na ikinakasa ng mga ito upang tutulan ang pagbibigay ng limitasyon sa surge pricing.

Sa halip na tigil pasada, isang malaking pagpupulong na lang ang itatakda ng grupo sa Biyernes upang talakayin ang mga hinaing at problema ng mga driver ng TNVs na nais nilang idulog sa LTFRB at sa mga transport network company.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: ,