Regulasyon sa campaign contribution, gustong isama ng Concom sa bagong Saligang Batas

by Radyo La Verdad | June 15, 2018 (Friday) | 10321

Layong bigyan ng pantay-pantay na pagkakataon ng consultative committee (Concom) ang mga independent at mga kandidatong tatakbo sa ilalim ng isang partido pagdating sa isyu ng pondo sa kampanya.

Problema anila tuwing halalan ay may mga kandidatong walang political party na karapat-dapat sa posisyon ngunit walang kakayahan upang pondohan ang kanilang pagtakbo.

Sa ilalim ng panukala ng kumite, aatasan ang Kongreso na repasuhin ang umiiral na mga batas sa pagpondo, pagbibigay ng kontribusyon o paggastos ng isang partido o kandidato.

Ipagbabawal din ang pagtanggap ng donasyon mula sa mga religious organization, mga dayuhan at perang mula sa iligal na gawain.

Ang lahat ng donasyon mula sa mga indibidwal o korporasyon ay ilalagay sa ‘democracy fund’ na imomonitor ng Commission on Elections (Comelec) at Commission on Audit (COA).

Mula sampung libo hanggang 100 libong ang maaaring i-donate ng sinomang mamamayan na magkakaroon naman ng tax credit sang-ayon sa bubuuing batas.

Ayon kay PDP-Laban President Koko Pimentel, nararapat lamang na may limitasyon ang mga tinatanggap ng sinomang kandidato na magbebenepisyo sa nasabing pondo.

Sa kasalukuyan, bagaman itinakda sa Omnibus Election Code na kinakailangang i-report ng sinomang kandidato, political party o party-list group ang listahan ng natatanggap nilang pera o tulong hanggang 30 araw pagkatapos ng eleksyon.

Ayon sa Concom, marami pa rin ang nakakalusot at hindi naililista kung sino ang nagbigay ng pera.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,