Regulasyon ng paggamit ng vapes, pinigil ng Korte sa Pasig City

by Erika Endraca | October 18, 2019 (Friday) | 8967

METRO MANILA, Philippines – Pansamantalang ititigil ng Department of Health (DOH)  ang pagpapatupad ng regulasyon ng paggamit ng e- cigarettes at vapes sa bansa. Dahil ito sa inilabas na injunction ng Pasig City Regional Trial Court kasunod ng petisyon ng ilang mga kumpanya ng e-cigarettes.

Ayon sa DOH, tutol ang mga ito na magpatupad ng regulasyon dahil apektado ang kanilang negosyo. Nakapaloob sa inilabas na administrative order ng DOH noong Hunyo na lahat ng distributor, manufacturer at sellers ng e-cigarettes at vapes at kailangang magpa-rehisto upang matiyak na mare-regulate ang paggamit nito.

Sa tala ng DOH, 152 manufacturer at retailers ng vapes ang nakapagparehistro na. Nakahanda naman ang DOH na paninidigan ang ipinatupad nilang kautusan lalo na’t napatunayan na ng World Health Organization (WHO) na may masamang epekto sa kalusugan ang paggamit ng vape.

Hinihikayat din lahat ng health experts na magpatingin ang mga e- cigar at vape users upang matukoy kung may mga associated illnesses na sila dahil sa paggamit ng mga ito. Sa tala ng U.S Center for disease control and prevention at us Food and Drug Administration (FDA), 26 na ang namatay sa 1,300 mga kaso ng mga nagkakasakit dahil sa paggamit ng e- cigarettes at vapes.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,