Regulasyon ng motorcycle taxis, ipinamamadali na

by Jeck Deocampo | January 15, 2019 (Tuesday) | 15782

METRO MANILA, Philippines- Ipinagsusumite na ng House Committee on Metro Manila Development sa Department of Transportation ang kanilang rekomendasyon hinggil sa operasyon ng motorcycle taxis sa bansa katulad ng Angkas.

Ito ay upang maamyendehan na ng mga kongresista ang mga probisyon ng Republic Act 4136 at matukoy kung posible nga bang magamit ang mga motorsiklo bilang public transportation.

Giit ni Buhay Party List Representative Lito Atienza, hindi na dapat patagalin ang isyu upang agad nang matugunan ang problema ng mga mananakay na umaasa sa ganitong uri ng transportasyon.

Ani Atienza, “sapagkat malaki ang tulong na nagagawa nitong Angkas, nitong mga motorsiklo na ito sa pansamantalang sitwasyon natin.  Hindi pupwedeng open-ended na maghihintay nalang tayo dun sa resulta ng inyong trabaho. We would like to be assured. Kailan matatapos ‘yang trabaho na ‘yan?

Ganito rin ang panawagan ng commuter group sa DOTR.  Ayon sa grupong Komyut, maraming mga commuter ang umaasang maibabalik na ang serbisyo ng Angkas dahil ito anila ang pinakamabilis na uri ng transportasyon na kanilang inaasahan.

Sa halip na amiyendahan, naniniwala naman ang Metro Manila Movement na sapat na ang pag-iisyu ng department order ng DOTR, upang gawing ligal ang operasyon ng mga motoryclycle taxis.

Nangako naman ang DOTR na isusumite sa Kongreso ang kanilang rekomendasyon hinggil sa isyu sa loob ng susunod na dalawang linggo.

Disyembre noong nakaraang taon nang maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema at pinatigil ang operasyon ng Angkas dahil sa usapin sa legalidad ng paggamit ng motorsiklo bilang public transportation.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , , , , , , , ,