“Register Anywhere” System, ipatutupad sa NCR sa voter registration sa Nobyembre

by Radyo La Verdad | October 14, 2022 (Friday) | 16584

METRO MANILA – Bubuksan na muli ng Commission on Elections (COMELEC) ang voter registration sa buong bansa.

Tinatayang nasa 5-7M na mga bagong botante ang madadagdag batay sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Kasama na rito ang bagong regular voters at botante sa Sangguniang Kabataan (SK).

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, magpapatupad sila ng  Registration Anywhere Scheme.

Maaaring magparehistro ang isang indibidwal sa satellite registration o mall registration kahit na hindi siya nakatira sa lugar kung nasaan ito.

Target ng komisyon na tapusin ang pagpaparehistro hanggang Mayo ng susunod na taon.

Wala ring gagawing paghahain ng Certificates of Candidacy (COC) ngayong buwan para sa BSKE. Hindi na rin magpapatupad ng gun ban.

Inaasahan ang COC filing sa Agosto  na ng susunod na taon o 2 buwan bago ang nakatakdang halalan sa October 30, 2023.

Bagamat hindi matutuloy ang eleksyon ngayong taon, tiniyak ng Comelec na magpapatuloy pa rin sila sa paghahanda kabilang na ang pag-iimprenta ng mga balota.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: , ,