‘Register Anywhere’ program ng COMELEC, ipatutupad sa muling pagbubukas ng voter registration ngayong buwan

by Radyo La Verdad | December 1, 2022 (Thursday) | 18142

METRO MANILA – Matapos pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Republic Act 11935 o ang batas na nagpapaliban sa 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), nagpasya ang Commission on Election (COMELEC) na muling bubuksan ang voter registration o pagpaparehistro sa buong bansa.

Mag uuumpisa ito ng December 12, 2022. Kabilang sa mga tinatanggap na aplikasyon o serbisyo sa voter registration ay ang first-time Sangguniang Kabataan (SK) at regular voters.

Paglipat ng lugar kung saan boboto sa mga susunod na halalan. At pagsasaayos ng mga maling entry sa voter registration record ng sinomang botante.

Samantala, kaugnay ng voter registration, magsasagawa rin ng bagong konsepto ng pagpaparehistro ang Comelec na tinatawag na Register Anywhere Project (RAP) mula December 17, 2022 hanggang January 22, 2023 tuwing Sabado at Linggo.

Isasagawa ang pilot testing ng proyekto sa 5 mall sa Metro Manila, ang SM Mall of Asia, SM Fairview, SM Southmall, Robinson’s Place Ermita Manila at Robinson’s Galleria.

Sa pamamagitan nito, kahit hindi mga residente ng NCR ay maaaring makapagparehistro sa itatalagang registration booths sa mga nabanggit na mall.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,