Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) Agreement, pinanawagan ng mga lider ng bansa

by Radyo La Verdad | November 3, 2021 (Wednesday) | 920

METRO MANILA – Sa mga serye ng pulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa mga Dialogue Partners, nagkaisang nanawagan ang mga lider ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) participating countries upang agarang maratipikahan at maging epektibo ang kasunduan dahil ito ay magdudulot hindi lamang ng matatag at masiglang business environment kundi ito rin ay isang mahalagang instrumento sa economic recovery efforts sa rehiyon.

Ang RCEP ay isang Free Trade Agreement (FTA) ng ASEAN na binubuo ng umiiral na regional FTAs kasali ang Australia, China, Japan, Korea at New Zealand upang magkaroon ng komprehensibo, mataas na kalidad, at mutually benefical na economic partnership agreement.

Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, ang RCEP ay kinakailangan upang mapabilis ang post pandemic recovery kaugnay ng pagpapaigting ng economic ties.

“Ang pagiging kasapi ng FTA ay hindi lamang tungkol sa market access, kundi upang mahikayat ang mga namumuhanan na pumunta sa bansa, ” ani Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez.

Noong September 2, 2021, niratipikahan ni Pangulong Duterte ang RCEP Agreement, at ngayo’y inaasahang matatapos ang concurrence sa Senado upang mabigay na ng Pilipinas ang Instrument of Ratification, at maging isa sa mga bansang makikinabang sa kasunduan sa implementasyon nito sa unang bahagi ng taong 2022.

Batay sa datos noong 2020, ang RCEP free trade area ay bumubuo sa 29% ng world trade, 29% ng world GDP, 33% ng global inward Foreign Direct Investments (FDI), 47% ng global outward FDI, at 2.3 bilyong populasyon.

(James Hoyla | La Verdad Correspondent)

Tags: