Reenactment sa pagpatay kay Tanauan City Mayor Halili, isinagawa na

by Radyo La Verdad | July 5, 2018 (Thursday) | 2822

Alas otso dyes ng umaga eksaktong oras kung saan binaril ng suspek si Tanauan City Mayor Antonio Halili sa Tanauan City Hall noong Lunes ng umaga.

Isinagawa ng Special Investigation Task Group Halili ang reenactment sa pagbaril sa alkalde.

Layon nito na ma-established ang posisyon ng gunman at mawala ang mga espekulasyon na nasa ibang posisyon ang bumaril kay Mayor Halili.

Sa isinagawang reenactment, naglagay ng isang manikin na binihisan ng amerikana ang posisyon ni Mayor Halili at sinamahan din ng ilang indibidwal tulad ng isinagawa ang flag ceremony.

Matapos ang reenactment, kinumpira ni Region 4A Director Edward Carranza ang posisyon ng gunman sa damuhan na una na nilang sinabi.

Ayon naman sa crime laboratory may distansiyang 76.8 meters ang killer sa posisyon ng alkalde. Naka-elevate din ng 4.1 meters sa ground ang suspek kaya kayang tamaan ng gunman si Mayor Halili kahit gumalaw pa umano ito sa kaniyang pwesto.

Sinabi pa ni CSupt Carranza na posibleng hindi sniper ang bumaril na karaniwang tinatarget ay ang ulo. Sa distansiyang 76.8 meters, kaya aniya itong gawin ng mga sibilyan na magaling at bihasa sa paggamit ng baril ang killer tulad ng mga marksman.

Sa ngayon nanatiling tatlo ang persons of interest na tinututukan ng imbestigasyon.

Samantala pasado alas nuebe ng umaga, isang basyo ng bala ng baril sa lugar ng suspek ang natagpuan ng crime lab. Isasailalim ito ngayon sa ballistic exam upang i-cross match sa 5.56mm na bala na nakuha sa katawan ng alkalde sa otopsy.

Posibleng malaman din umano ang nagmamay-ari ng ginamit na armas sa pagpatay kay Tanauan City Mayor Antonio Halili.

 

( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )

Tags: , ,