Reduced physical distancing sa pampublikong transportasyon, sinuspinde ng DOTr

by Erika Endraca | September 18, 2020 (Friday) | 8276

METRO MANILA – Balik muna sa 1 meter physical distancing ang mga pasahero sa mga public transportation.

Sinuspinde ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang ipinatutupad na reduction ng physical distancing o pagkakaroon ng .75-meter distance habang wala pang pinal na desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng isyu.

“Samantalang isususpinde po ang implementasyon ng 0.75 [meter] na distancing sa mga pampublikong transportasyon at ibabalik po ito sa sa one meter,” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Dagdag pa ng palace official, pag-aaralan pa lang ng presidente ang ulat na isusumite ng inter-agency task force kontra COVID-19 kaugnay ng kanilang naging talakayan at rekomendasyon sa reduced physical distancing.

Positibo naman ang reaksyon ni dating National Task Force Special Consultant Dr. Anthony Leachon sa ginawang suspensyon.

Isa ang manggagamot sa mga tumututol sa reduced physical distancing sa public transport.

Aniya, ito ang tamang gawin at dapat payuhan ni Health Chief Francisco Duque III at ng medical community ang presidente dahil maaaari naman aniyang buksan ang ekonomiya at suportahan ang public transport ng hindi isinasakripisyo ang health standards.

Subalit iginiit naman ni dating Health Secretary Dr. Manuel Dayrit, isa sa mga medical expert na sumusuporta sa unti-unting pagluluwag ng physical distancing rules sa public vehicles, kailangan lang tiyaking nasusunod ang mga pag-iingat kontra impeksyon.

Gaya ng pagsusuot ng face masks, face shields, walang magsasalita at kakain, pagkakaron ng akmang ventilation, madalas at tamang disinfection, bawal ang symptomatic na mga pasahero at pagsunod pa rin sa akmang physical distancing.

“We have to take this as a full package. Di lang physical distancing ang issue dito, if you just argue by physical distancing, you’re missing out other interventions that we could use and also we are only doing it sa ating public transport so that our people can move so that the economy can open ”ani Former Doh Secretary Dr. Manuel Dayrit.

Sa darating na Lunes (September 21) na posibleng ianunsyo ni pangulong duterte ang kaniyang pinal na posisyon sa usapin sa pamamagitan ng isang public address.

(Rosalie Coz | UNTV News)



Tags: ,