Mag-uumpisa na ang muling pagbibilang ng mga balota ngayong buwan kaugnay sa protesta ni dating Senador Bongbong Marcos sa nakaraang eleksyon laban kay Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Marcos, hinihintay na lamang nila ang petsang ibibigay ng Presidential Electoral Tribunal.
Nasa 39 na probinsya ang nais sanang ipa-recount ng dating senador subalit ang 3 pilot projects muna ang bibilangin, ito ay ang Iloilo, Negros Oriental at Camarines Sur.
Tinalo ni Robredo si Marcos sa nakaraang vice presidential race sa pamamagitan lamang ng mahigit 200 libong boto.
Ayon kay Marcos, nasa P66M na ang naibigay niya sa tribunal na gagastusin para sa recount. Bago matapos aniya ang 2017 ay posibleng may resulta na ang kanyang protesta.
Ayon naman sa kampo ni Robredo, hindi nila alam kung saan kinukuha ni Marcos ang mga datos sa resulta ng nakaraang halalan. Mangangailangan anila ng 3 buwan para mabilang ang mga boto. Pagkukundisyon lamang umano ito sa publiko dahil sa kanyang pagkatalo.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )