“Record-high” satisfaction rating ni Pang. Duterte, nagpapakita na gumagana ang demokrasya sa bansa — political analyst

by Radyo La Verdad | July 9, 2019 (Tuesday) | 3637
PHOTO: PCOO FACEBOOK

‘Democracy is working’ ito ang nakikita ng isang political analyst sa mataas na satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kaugnay ito sa huling survey ng Social Weather Stations o SWS kung saan walumpung porsyento ng mga Pilipino ang nagsabing nasiyahan sila sa pagganap ng tungkulin ng Pangulo.

Ayon kay Professor Ramon Casiple, Executive Director ng Institute for Political and Electoral Reform, ang mataas na satisfaction rating na ito ng Pangulo ay isang manipesto ng karamihan sa mga Pilipino na ‘consistent’ ang Pangulo simula pa noon unang taon ng kanyang administrasyon.

Aniya, ang ilan sa mga hindi nasiyahan sa pagganap ng tungkulin ng Pangulo ay nagpapakita rin umano na gumagana ang demokrasya sa bansa. Sa naturang survey, labin-dalawang porsyento ng mga Pilipino ang nagsabing hindi sila nasiyahan habang siyam na porsyento naman ang hindi desidido.

Dagdag pa ni Casiple, maituturing na ‘unique’ ang performance ng Pangulo kumpara sa ibang naging Presidente na nanungkulan matapos ang Marcos administration.

Aniya, ito ay dahil kadalasan, pababa na ang performance ng isang Pangulo kapag nasa kalagitnaan na ito ng kanyang termino. Ito ang bagong pinakamataas na net satisfaction rating ng Pangulo na plus 63.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: , ,