Simula kahapon ay hindi na pinahihintulang dumaan sa Edsa ang mga provincial bus na patungong Southern Luzon na nanggagaling ng Kamuning at Cubao Terminal mula 06:00 A.M hanggang 09:00 A.M.
Sa halip, kinakailangan na nilang pumasok sa P. Tuazon sa Cubao patungong C-5 Road at diretso na sa South Luzon Expressway.
Bagama’t apekatado sila ng bagong polisiya, handa ang Provincial Bus Operators Association na tumulong sa pagpapaluwag ng traffic sa Edsa.
Malaki naman ang naging epekto nito sa kita ng provincial buses dahil nabawasan ang kanilang mga pasahero.
Kung dati ay kumikita sila ng sampung libo piso kada biyahe, ngayon ay nabawasan na ito ng tatlong libo dahil hindi na sila makapagsakay ng pasahero sa Edsa.
Tutol naman ang mga bus driver na palawigin pa ang oras ng rerouting sa kanila sa C-5 Road.
Mahirap naman para sa ilang pasahero na bumiyahe pa papunta sa terminal lalo na at napaka-traffic sa Edsa.
Nakiusap naman ang mga bus operator sa HPG na maging consistent sa kanilang trabaho at maging patas sa lahat sa pagpapatupad ng batas, sa ganitong paraan ay mas mahihikayat ang lahat ng motorista na maging disiplinado sa lansangan.(Mon Jocson / UNTV News)