Umaga kahapon nagpulong ang grupo ni House Speaker Gloria Arroyo.
Dito itinalaga nila bilang interim member sina Camarines Sur Rep. Rolando Andaya, Bohol Rep. Arthur Yap, Minority Leader Danilo Suarez, Iloilo Rep. Arthur Defensor at LP member, Marikina Rep. Miro Quimbo.
Isa sa mga posisyon na kanilang pupunan ngayon ay ang posisyon ng majority leader na dating hawak ni Ilocos Norte Rep. Rudy Fariñas.
Maagang dumating si Arroyo sa Kamara at agad nakipagkita sa mga Chinese businessman.
Aniya, wala pang anomang komunikasyon sa pagitan nila ng dating house speaker.
Pinanindigan naman ni Davao Rep. Karlo Nograles na handa silang idepensa ang prosesong kanilang ginawa kahapon matapos ng mga naglabasang isyu sa tila kudeta na nangyari sa plenaryo noong Lunes.
Ayon naman kay Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, nagpulong din sila kasama si dating Speaker Alvarez ang nasa 25-30 congressmen na sa ngayon ay kaalyado nila.
Dito napag-usapan na bubuo sila ng isang grupo ng minorya, pero tiniyak nilang susuportahan pa rin nila ang Duterte administration.
Naniniwala si Umali na isa sa dahilan ng pagpapatalsik kay Alvarez ay ang naging alitan nila ni Presidential daughter Sara Duterte-Carpio.
Pagkatapos ng mga nangyari, wala na daw balak pa si Alvarez na bawiin ang kanyang posisyon lalot hawak na ni Arroyo ang mayorya ng mga kongresista.
Sa unang araw ng sesyon sa ilalim ng bagong liderado niratipikahan na ang Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )