RCEF, patuloy na pinakikinabangan ng milyong magsasaka

by Erika Endraca | March 13, 2021 (Saturday) | 2492
Photo Courtesy: DA

Nakikinabang ngayon ang nasa 2 Milyong magsasaka sa benepisyong bigay ng Rice Competitiveness Enhancement Fund na isa sa programang itinataguyod ng Department of Agriculture (DA).

“Malugod naming ini-uulat na sa unang dalawang taon ng pagpapatupad ng Rice Tariffication Law (RTL) ay nadagdagan ang bilang ng ani ng ating mga magsasaka. Nag a-average ngayon sa 400 kilo bawat ektarya o halos walong mga cavan (sa bawat 50 kg bawat isa) ang ating mga ani na katumbas ng karagdagang kita na P7,000 bawat ektarya,” ani Agriculture Secretary William Dar.

Ayon pa kay Dar, ipinapakita rin nito na ang paggamit ng mga certified seeds, makabagong teknolohiya, at mekanismong paghahanda sa pagtatanim ay lubhang nakakatulong sa mga magsasaka upang makapag ani ng mas marami.

Mas kaunti ang ani sa mga tinatawag na home-saved seeds kumpara sa mga gumagamit ng mga certified seeds ayon kay Dr. Dionisio Alvindia, direktor ng DA National Integrated Rice Program.

Sa ilalim ng RCEF, P3-B ang inilalaan bawat taon para sa mga certified inbred seeds samantalang ginagarantyahan naman ng RTL ang taunang pondo na P10 hanggang P60-B para sa 6 na taong pagkolekta ng taripa sa mga inangkat na bigas.

(Beth Pilares | La Verdad Correspondent)

Tags: ,