Rappler CEO Maria Ressa, humarap sa imbestigasyon ng NBI sa reklamong cyber libel

by Radyo La Verdad | January 23, 2018 (Tuesday) | 3836

Nagtungo sa NBI si Rappler CEO Maria Ressa bilang pagtugon sa subpoena ng NBI Cybercrime Division kaugnay ng imbestigasyon sa reklamong cyber libel.

Ayon kay Ressa, bagamat binigyan sila ng pagkakataong masagot ang reklamo, iba pa rin ang nakikita niyang motibo nito. Kahina hinala aniya ang timing nito na isinunod sa pagkansela ng Securities and Exchange Commission sa kanilang lisensiya. Handa umano ang Rappler na harapin anomang reklamo o kaso na ibabato sa kumpanya.

Isinampa ang reklamong cyber libel ng negosyanteng si Wilfredo Keng nitong Disyembre dahil sa artikulong inilathala ng Rappler noong May 2012.

Laman ng sinasabing artikulo ang pagpapagamit umano ni Keng ng kaniyang mamahaling sasakyan kay dating Chief Justice Renato Corona at ang pagkakasangkot umano ng negosyante sa human trafficking at drug smuggling.

Bagamat naisulat ito noong hindi naisasabatas ang Republic Act 10-175 o ang Anti-Cybercrime Law, muli umano itong inilathala ng Rappler noong 2014 kayat pasok ito sa kasong cyberlibel.

Pero may nakikitang depekto sa reklamo ang I.T. Law Expert at abogado ng Rappler. Malaking problema aniya kung pwede palang makasuhan ang nagsulat ng artikulong matagal nang nailathala pero mababasa pa rin sa internet ngayon.

Ayon sa hepe ng NBI Cybercrime Division, aaralin nilang mabuti ang probisyon ng batas tungkol dito. Binigyan naman ng sampung araw ang Rappler upang masagot ang reklamo.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,