Rappler CEO Maria Ressa, hiniling sa DOJ na ibasura ang cyberlibel complaint na inihain laban sa kanya

by Radyo La Verdad | April 25, 2018 (Wednesday) | 2893

Political in nature umano ang isinampang cyberlibel complaint ng National Bureau of Investigation (NBI) at businessman na si Wilfredo Keng laban kay Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa.

Kaya naman hiniling nito sa Department of Justice (DOJ) na ibasura ang naturang reklamo.

Sa kanyang pagharap kahapon kay Senior State Prosecutor Edwin Dayog na humahawak sa kaso, sinabi ni Ressa na ginagawa lamang niya ang kaniyang trabaho bilang isang journalist.

Ang kaso ay nag-ugat sa isang artikulo na ipinost ng Rappler noong 2012 na nagsasabing ginamit umano ni Former Chief Justice Renato Corona ang mga sasakyan ng businessman. Ni-repost din ang article noong 2014.

Giit ni Ressa, walang ligal na batayan ang reklamong isinampa laban sa kanya kaya dapat lamang na i-dismiss na ito.

Ngayong araw naman ay nakahandang magtungo rin sa DOJ ang “The Disini & Disini” lawyers, ang legal counsel ng Rappler upang maghain ng kanilang counter affidavit kaugnay sa cyberlibel complaint.

Samantala, sa hiwalay na pagdinig kaugnay ng tax evasion complaint na isinampa ng BIR laban sa Rappler ay hindi dumating si Ressa at nirepresent na lamang ng kaniyang mga abogado.

Inakusahan ng BIR ang Rappler Holdings Corporation  (RHC) na hindi umano sila nakapagbayad ng P133.84 million noong 2015 mula sa profit sa pagbebenta ng Philippine depository receipt sa dalawang foreign judicial entities.

Nagsumite ang Rappler ng counter-affidavit at sinabing hindi sila nakatanggap ng kopya ng reklamo.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,