Radio program ng PNP na tatanggap ng iba’t-ibang sumbong at reklamo, sumahimpapawid na sa Radyo La Verdad 1350

by Radyo La Verdad | October 3, 2017 (Tuesday) | 3709

 

Umere na ngayong araw ang bagong programa ng Philippine National Police sa Radio La Verdad 1350.

Ang programang Pulis @ Ur Serbis, aksyon agad! ay ang radio program ng PNP na tatanggap ng ibat ibang mga sumbong at reklamo na kailangang aksyunan ng pambansang pulisya.

Mga pulis mismo ang anchor ng radio program na tatanggap ng sumbong mula sa mga callers at walk-in sa studio.

Tatanggapin rin ng mga pulis ang sumbong at reklamo kahit mismo sa kanilang mga kabaro, mababa o mataas man na opisyal ng PNP.

Maaaring magreklamo o magsumbong ang sinoman, hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

Ang radio program na aksyon agad ay karagdagan lamang sa ginagawa na ng PNP upang mas maabot pa ang mga nangangailangan ng kanilang tulong.

Isa rin si PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa sa host ng programa. Ayon kay Dela Rosa, maganda ang layunin ng programa dahil mas lalo pang lumawak ang maabot ng kanilang serbisyo sa mga tao.

Aminado si Dela Rosa na hindi lahat ng tao ay natutuwa sa ginagawa ng PNP kung kaya’t rin hindi maiiwasan na minsan nakakapag isip ang mga pulis na sa kabila ng lahat ay hindi na a-appreciate ng publiko ang kanilang ginanagawa.

Pangungunahan ni Police Community Relations Group Director Rhodel Sermonia ang naturang programa.

Ang Pulis @ Ur Serbis aksyon agad ay mapapakinggan sa UNTV Radyo la verdad 1350 tuwing Lunes, alas tres hanggang alas kwatro ng hapon.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,