Quo warranto petition laban kay Pangulong Duterte, malabong katigan ng Korte Suprema – election law expert

by Radyo La Verdad | July 3, 2018 (Tuesday) | 5082

Imposible umanong paboran ng Korte Suprema ang quo warranto petition na inihain ng suspendidong abogado na si Ely Pamatong laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa election law expert na si Atty. George Garcia, ang quo warranto petition ay maaari lamang ihain laban sa Pangulo sa loob ng sampung araw matapos itong maiproklama.

Nasa ikalawang taon na ang Pangulo sa pwesto at nakatakdang magbigay ng kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) sa ika-23 ng Hulyo.

Sa 23-pahinang petisyon ni Pamatong, iginiit nitong hindi naaprubahan ng Comelec en banc ang certificate of candidacy (COC) ni Duterte hanggang sa dumating ang panahon ng eleksyon noong ika-9 ng Mayo 2016.

Ang pagbawi rin umano ni Duterte ng COC sa pagiging mayor ng Davao at pagiging substitute candidate ni ngayo’y DILG Undersecretary Martin Dino sa pagka Pangulo ay isang malinaw na paglabag sa batas.

Ayon sa sources ng UNTV News and Rescue Team, napagkasunduan ng mga mahistrado sa en banc session noong nakaraang linggo na pasagutin si Pangulong Duterte sa petisyon ni Pamatong.

Sagot ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, susunod sila sa utos ng Korte.

Tumanggi naman ang Comelec na magbigay ng reaksyon ukol sa petisyon at sa naging paghahain ng Pangulo ng COC.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,