METRO MANILA – Opisyal na idineklara ang Quezon Memorial Shrine na matatagpuan sa Quezon City bilang isa sa mga national cultural treasure ng bansa sa bisa ng Declaration No.29-2020 ng National Museum of the Philippines.
Ang national cultural treasure ay itinuturing na pinakamataas na pagkilalang maigagawad sa isang cultural property na nagtataglay ng mayamang kasaysayan, kultura, at makabuluhang sining o teknolohiya na mahalaga para sa isang bansa ayon sa Republic Act 10066 o ang Natural Cultural Heritage Act of 2009.
Ang Quezon Memorial Shrine na idinesenyo ni Architect Federico Ilustre ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay isang equilateral triangular shrine na ipinagawa para kay dating Presidente Manuel Luis M. Quezon at siya ring nagsisilbing mausoleum ng kaniyang asawa.
Ito ay mayroong tatlong 66-meter pylons na siyang edad ni dating President Quezon sa kaniyang pagkamatay at sumisimbulo sa tatlong malalaking pulo ng Pilipinas na Luzon, Visayas at Mindanao.
Tampok din dito ang museum na naglalaman ng kasaysayan ng dating Presidente gaya ng kaniyang mga aklat, artikulo, dokumento at mga larawan.
“Maraming salamat sa National Museum of the Philippines sa pangunguna ni Director-General Jeremy Barns. Malaking karangalan ang natatanging pagkilala na ito na sumasalamin din sa makulay na kasaysayan at kultura ng Lungsod Quezon,” ani Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Ang Quezon Memorial shrine ang ikalawa sa national cultural treasure na matatagpuan sa Quezon City kasunod ng Sto. Domingo sa Sta. Mesa Heights na ginawaran noong 2012.
(Rachel Reanzares | La Verdad Correspondent)