METRO MANILA – Itinatag ng Quezon City Government ang kauna-unahang City Animal Care and Adoption Center sa Brgy. Payatas sa pamamagitan ng Animal Welfare and Rehabilitation Program ng lungsod na maaaring makapagbigay ng pansamantalang tahanan sa mga hayop at sa halip na i-euthanize ay dadaan sila sa rehabilitasyon at pagsasanay bago sila ilagay para ampunin.
Ayon sa ulat ng Quezon City Veterinary Department (QCVD), umaabot sa humigit-kumulang 200 kada linggo o 9,600 kada taon ang bilang ng mga hayop na walang tirahan na dinadala sa mga city pound. Sa likod ng nasabing bilang, mas mababa sa isang porsyento (1%) lamang ang naaampon.
Ang nasabing center ay may kapasidad ng hanggang 60 hayop at may hiwalay na pasilidad para sa mga aso at pusa na kailangang ma-neuter o ma-spay, at para sa iba pang mga hayop na mangangailangan ng atensyong medikal, lalo na sa mga may sakit upang hindi mahawa sa malulusog na hayop.
Ayon kay City Veterinarian Dr. Ana Marie Cabel, ang mga mahuhuling aso at pusa na hindi maaangkin ng kanilang may-ari sa loob ng 3 araw ay magiging ampon at saka isasailalim sa rehabilitasyon bago ilagay para maampon naman ng magiging bagong may-ari.
Sa kasalukuyan, sa tulong ng Konseho ng lungsod, binubuo na ang magiging patakaran sa pag-uwi at pag-aampon sa mga hayop. Nakipag-ugnayan na rin ang QCVD sa Animal Welfare Advocates upang masigurong naaayon sa Republic Act 8485 o Animal Welfare Act ang nasabing programa.
Naniniwala naman si City Mayor Joy Belmonte na ang bawat hayop ay nangangailangan ng isang mapagmahal at mapagmalasakit na pamilya dahil kilala sila bilang mga mabubuting kasama.
Kaugnay dito, magtatayo rin ng pet-friendly spaces sa mga pasilidad tulad ng parke, mall, restaurants, coffee shops, hotel, condominiums at iba pa na magpapahintulot na makapasok ang mga alagang hayop sa mga nabanggit na establisyimento.
(Ezekiel Berunio | La Verdad Correspondent)
Tags: Veterinary