Quarantine levels na paiiralin sa iba’t ibang lugar sa bansa sa Hulyo, posibleng ianunsyo ni Pres. Duterte ngayong araw

by Erika Endraca | June 29, 2020 (Monday) | 3237

METRO MANILA – Isang araw na lang ang nalalabi at mapapaso na ang umiiral na community quarantine sa Pilipinas.

Ayon sa Malacañang, naipagbigay alam na sa mga lokal na pamahalaan ang kanilang risk classification sa Coronavirus Disease at binigyan sila ng pagkakataong makapag-apela bago magdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa paiiraling quarantine measures sa pagpasok ng buwan ng Hulyo.

Bukas (June 30), posible iaanusyo ng punong ehekutibo ang kaniyang desisyon hinggil dito.

“May rekomendasyon na po, pero this is subject to review by the President. Anyway, the President will announce on or before the 29th, I believe.” ani Presidential Spokesperson Harry Roque

Ayon naman kay Interior Secretary Eduardo Año, mayroon pa hanggang bukas (June 30), araw ng Lunes para isapinal ang risk classification para sa Metro Manila.

Kung mananatili ba ito sa General Community Quarantine, luluwagan o hihigpitan pa.

Posible ring magpulong Ang Metro Manila Council para ipresenta sa kanila ang data analytics at kukunin ang kanilang rekomendasyon at input.

Subalit, para sa kalihim, kung ikukumpara sa kalagayan ng Cebu City, mas maigi ang sitwasyon sa National Capital Region.

Apat na kategorya ng Community Quarantine ang umiiral sa bansa: Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) para sa high-risk areas, General Community Quarantine (GCQ) at Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa moderate risk areas at MGCQ para sa low-risk classification.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,