Quarantine facilities at evacuation centers sa mga paaralan, naalis na                  

by Radyo La Verdad | August 17, 2022 (Wednesday) | 9288

Tuluyan nang inalis ng national Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga quarantine facilities sa mga paaralan. Ito ay kaugnay narin ng mandato ng Department of Education na wala nang gagamiting isolation facilities sa mga paaralan bago ang pagsisimula ng pasukan. Aalisin na rin ang mga evacuation center sa mga paaralan upang hindi maabala ang pag-aaral ng mga estudyante.

“Bilang pagtulong din po dahil sa plano ng pamahalaan na hindi na po gamitin ang mga eskwelahan bilang evacuation center. Para hindi mapatid po ang pag-aaral ng mga estudyante pag ganito pong may natural hazzard. Nagpatayo po ang ating pamahalaan ng higit sa 100 na mga evacuation centers sa iba’t ibang rehiyon dito sa ating bansa. Patuloy rin ang pagtulong ng NDRRMC sa Department of Health upang mapalakas pa ang pagbabakuna sa mga mag-aaral at guro,” ani Mark Timbal

OIC, Public Affairs Office, NDRRMC.

Pero sa kabila nito, iniulat ng DEPED na bagama’t patuloy ang kanilang kampanya kontra Covid-19 at paghikayat sa mga magulang, estudyante at guro na magpabakuna na walang magiging diskriminasyon sa mga hindi pa bakunado. Sa katunayan, pahihintulutan na ngayon ng DEPED ang mga guro na makapag-turo ng pisikal sa eskwelahan kahit hindi bakunado.

“Sa bago nating polisiya papayagan na silang mag-report at magturo na rin provided na kailangan lang na they will still follow the minimum public health protocol like wearing of face mask at yung kanilang silid aralan na pagtuturuan ay dapat maayos yung ventilation,” pahayag ni USEC. Revsee Escobedo, Undersecretary for Governance and Field Operations.

Sa tala ng DEPED,  37,000 na mga guro ang hindi pa bakunado kontra Covid-19, 20,000 dito ay nagpahayag na ng kahandaang magpabakuna habang patuloy pang kinukumbinsi ng kagawaran ang nasa 17,000 teachers na magpabakuna na.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: , ,