METRO MANILA – Mananatili sa General Community Quarantine (GCQ) ang National Capital Region, Bulacan, Rizal, Cavite at 26 pang lugar.
Sa gitna ito ng napaulat na pagtaas ng daily cases sa ilang lungsod sa Metro Manila.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, ang kabuuang datos sa buong kapitolyo ang pinagbatayan ng desisyon.
“Ang tingin po natin is kabuuan bagamat mayroon pong 7 cities na tumaas, by and large naman po bumaba ang trend at saka gaya ng sinabi ko tinitingnan din po natin yung kapasidad ng mga LGU na mag-isolate after ma-determine na positibo ang isang tao at saka kanilang contact tracing ratio. So mukhang bumubuti naman ‘yung mga 2 bagay na ‘yan kaya minabuti na po na pupwedeng mag-ordinary GCQ sa Metro Manila” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
GCQ with heightened restrictions naman ang Laguna, Cagayan, Lucena City, Naga City, Negros Oriental, Zamboanga Del Sur at Davao City.
Kaparehong restrictions din ang umiiral sa Aklan, Bacolod City, Antique at Capiz pero hanggang July 22 lamang at muling rerepasuhin ang datos pagkatapos ng nasabing petsa.
Samantala, Modified Enhanced Community Quarantine naman ang Bataan, at 8 pang lugar.
For review rin after July 22 ang MECQ status ng Iloilo City at Iloilo province.
“Mayroon po kasing mga siyudad na napagbigyan ang appeal pero hanggang July 22 lang po at titingnan po natin yung numero.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Ang lahat naman ng nalalabing bahagi ng bansa ay sasailalim sa MGCQ hanggang katapusan ng Hulyo.
(Rosalie Coz | La Verdad Correspondent)